Lolo pinatay sa haybol sa QC

Lolo pinatay sa haybol sa QC

November 23, 2022 @ 5:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang lolo matapos pasukin ang inuupahan nitong bahay ng mga hindi kilalang salarin saka pinagbabaril ng malapitan sa lungsod ng Quezon.

Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktima na si Daniel Guilao, 63 anyos, residente ng Brgy. Baesa, Q.C.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 3, nabatid na dakong alas-4:00 ng hapon nang maganap ang krimen.

Ayon sa chief barangay tanod na si Ronald Williams, isang residente ang nakarinig ng apat na putok ng baril mula sa tahanan ng biktima kaya’t itinawag sa barangay ang insidente.

Kaagad naman umanong rumesponde ang mga barangay tanod ngunit patay na ang biktima nang datnan nila.

Dalawang lalaking nakasuot ng helmet ang sinasabing nakitang lumabas mula sa bahay ng biktima matapos ang krimen at sumakay umano sa isang motorsiklo upang tumakas.

Nakarekober rin ng mga otoridad ang mga basyo ng bala mula sa crime scene.

Ayon pa kay Williams, nahuli ang anak ng biktima sa isang operasyon kontra droga nitong Nobyembre 12 lamang.

Gayunman, ayon sa QCPD, iniimbestigahan pa nila kung posibleng may kinalaman ang naturang insidente sa pagpatay sa biktima. Jan Sinocruz