Lolo tinarakan ng bolo ng caretaker sa Bulacan

Lolo tinarakan ng bolo ng caretaker sa Bulacan

July 27, 2022 @ 3:26 PM 3 weeks ago


Bulacan- Arestado ang 43-anyos na lalaking caretaker matapos saksakin ng jungle bolo ang kanyang nakaalitang 54-anyos na tricycle driver sa San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Francis Ian Alutaya, may-asawa habang ang biktima ay si Nolando Nolando Lontoc kapwa tubong Laguna at residente ng Brgy. Muzon.

Sa report, nangyari ang insidente umaga ng Lunes, Hulyo 25 sa Melody Plains, Brgy. Muzon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay ng saksi, sumugod ang suspek sa bahay ng biktima at pinagbabantaan dahil sa kanilang alitan sa lupa.

Dahil dito, agad humingi ng saklolo ang biktima sa kanilang barangay subalit pagbalik niya ay nasa likod-babay na nila ang suspek na armado ng bolo.

Nang magtagpo, walang kaabog-abog na sinaksak ito ng jungle bolo hanggang sa umawat na ang manugang ng biktima at dumating ang mga tanod kaya naaresto.

Agad naman dinala ng mga kaanak ang sugatang biktima sa Ospital ng Lungsod SJDM para sa paunang lunas.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III