Lolong fixer tiklo sa annulment scam

Lolong fixer tiklo sa annulment scam

October 19, 2022 @ 12:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang 67-anyos na lalaking sabit umano sa annulment scam nang matiklo sa entrapment operation na inilatag ng Northern Police District.

Haharap sa kasong estafa, falsification committed by a private individual, at use of falsified documents.si Ruben Gabagat, na umano’y nagsabing pabibilisin ang pagsasawalang-bisa ng kasal ng mga magulang ng biktimang si alyas “Torquata” kapalit ng halagang P200,000.

Ani Torquata, sa unang pagtatagpo pa lang nila ay humingi na ng P40,000 paunang bayad si Gabagat, na nagpakilalang secretary ng isang abogado, para umano ma-file agad at mabawasan ang proseso ng annulment ng anim hanggang 10 buwan at hindi na rin umano kailangang humarap sa Korte.

Matapos ito ay nagbigay umano si Gabagat ng court order kay Torquata na nagdedeklarang “null and void” sa kasal ng kanyang mga magulang, at sinimulan na umano siyang kutuban nang hindi na ito masundan ng iba pang dokumento.

Humingi umano siya ng certificate of no marriage para sa kanyang mga magulang ngunit nang berepikahin ay lumitaw na ang mga dokumentong ibinigay sa kanya ng suspek ay huwad kaya’t dumulog na siya sa pulisya.

Nakumpiska kay Gabagat ang P8,000 marked money, identification cards, at iba pang ipinapalagay na pekeng dokumento. Merly Iral