Lolong siklista patay sa motorsiklo

Lolong siklista patay sa motorsiklo

January 30, 2023 @ 3:37 PM 2 months ago


BAYOMBONG, NUEVA VIZCAYA -Patay ang isang 70 anyos na lolo matapos mabangga ng isang motorsiklo habang nagbibisekleta ito sa kahabaan ng National Highway, barangay San Nicolas, bayan ng Bayombong.

Kinilala ang biktima na si Saturnino Cales, 70 taong gulang, may asawa at nakatira sa Bonfal West, sa bayan ding ito.

Samantalang ang suspek na driver ng motor ay nakilalang si Arjay Belmonte Orjen, 29 taong gulang, binata, isang construction worker at residente ng barangay Magsaysay, Bayombong.

Dakong 6:00 ng gabi ng Sabado, Enero 28, taong kasalukuyan, habang binabagtas ni Orjen ang National Highway papunta sa bayan ng Bambang lulan ng kanyang Honda TMX single motorcycle na may plakang 219BHU ay hindi umano nito napansin ang noo’y papatawid na lolo sakay ng kanyang Foxter mountain bike kaya’t ito ay kanyang nabangga at tumilapon.

Naitakbo pa di umano ng mga rumispondeng rescuers ng MDRRMO Bayombong sa R2TMC ang lolo subalit idineklara ito ng doctor na dead on arrival.

Sugatan din sa aksidente ang driver ng motor at pasahero nito na nakilalang si Jessilito Agustin subalit nakalabas na ang mga ito sa ospital at nasa ligtas nang kalagayan.

Samantala, hindi pa rin matukoy ang halaga ng sira ng mga sasakyang sangkot sa aksidente.

Inaasahang sasailalim sa Inquest Proceedings sa Piskalya ngayong Lunes, Enero 30 si Orjen at sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties. Rey Velasco