Lolong tindero, tinodas na pinagnakawan pa

Lolong tindero, tinodas na pinagnakawan pa

July 13, 2018 @ 4:51 PM 4 years ago


 

Tondo, Maynila – Walang awang  pinagbabaril sa mukha at dibdib ang isang 62 anyos na tindero saka pinagnakawan sa loob ng kanyang bahay sa Parola Compound, Tondo, Manila.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Reynaldo Alonzo Y Lumawod; may-asawa ng 290 Gate 12 Area-B Parola Compound sakop ng Tondo.

Samantala, napag-alaman sa ilang saksi sa krimen na apat ang nanloob at isa dito ang bumaril na pawang naka face mask at jacket na armado ng baril.

Dalawang cellular phone ang kinulimbat ng mga suspek, bago iniwang nakahandusay ang biktima, nang lumabas sa bahay, ilang kapitbahay ang nagtulong-tulong na maisugod sa nasabing pagamutan si Alonzo, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Batay sa report na isinumiti ni Det. Joel Ascano, kay P/Sr.Insp. Rommel Anicete hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:10 ng madaling araw ng Biyernes, nang pasukin ang biktima sa kanyang bahay.

Isang meor de edad na anak ng biktima ang nagsalaysay sa pulisya na di-umano’y natutulog ang kaniyang ama, nang may kumatok sa kanilang pintuan at saka puwersahang binubuksan ito.

Nang makapasok ay saka naghalughog sa loob ng bahay ang mga suspek, hanggang sa  makita ang dalawang mobile phone na pag-aari ng biktima.

Maya-maya ay dinala umano ng mga suspek ang biktima sa labas ng silid at hindi man nasaksihan ang pamamaril ay narinig ng anak ang magkakasunod na putok ng baril kaya napalabas ito ng  kuwarto at nakitang nakahandusay ang ama ng duguan. (Rene Crisostomo)