“Long COVID” sa Pinas kinumpirma ng gov’t health adviser

“Long COVID” sa Pinas kinumpirma ng gov’t health adviser

May 21, 2022 @ 1:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ng health adviser ng gobyerno ang kaso ng “Long COVID,” o mga taong nakararanas ng medium to long-term na epekto ng virus matapos siyang gumaling.

“Nag-uumpisa nang i-identify ‘yan dahil na-identify ito sa ibang bansa, ng WHO, ng United Kingdom, ng US. Nag-uumpisa nang makakita ang ating mga doktor sa ospital ng cases niyan,” saad ni National Task Force Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa.

Ayon sa WHO, ipinapakita sa mga kasalukuyang ebidensya na nasa 10% hanggang 20% ng mga tao ang nakararanas ng mahabang epekto ng COVID-19 matapos na gumaling sa sakit.

Kabilang sa nararanasa nila ay fatigue, breathlessness at cognitive dysfunction o pagkalito, pagiging makakalimutin o kawalan ng mental focus at clarity.

May ilan din na nakararanas ng psychological effects dahil sa post COVID-19 condition.

Dagdag pa ni Herbosa, ang mga taong may long COVID ay nakararanas din ng pamamaga ng puso at brain fog.

“Binabantayan natin ito at itatala natin ito, irerehistro rin natin ito at bibilangin at aaralin para malaman natin ang sitwasyon ng long COVID sa Pilipinas,” saad ng health adviser.

Samantala, lumalabas sa bagong pag-aaral na makakatulong ang pagpapabakuna matapos na gumaling sa impeksyon para mabawasan ang hirap na dala ng mga sintomas ng long COVID. RNT/ JCM