Lotto ticket na nakasungkit ng P37.2M jackpot sa MegaLotto, nabili sa Pampanga

Lotto ticket na nakasungkit ng P37.2M jackpot sa MegaLotto, nabili sa Pampanga

February 21, 2023 @ 2:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Instant milyonaryo ang isang mananaya ng MegaLotto 6/45 makaraang masolo nito ang jackpot prize sa ginanap na draw kagabi sa Mandaluyong City.

Sa kalatas na inilabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), matagumpay na nahulaan ng maswerteng mananaya ang winning numbers na 17-23-31-10-21-14 na may premyong P37,251,519.80.

Nasa 54 indibidwal naman ang makakapag-uwi ng tig-P32,000 makaraang makakuha ng limang kombinasyon habang 2,481 naman ang makakuha ng tig-P1,000 makaraang makakuha ng apat na kombinasyon.

Ayon kay PCSO Vice Chairman at General Manager, Melquiades “Mel” Robles, nabili ang maswerteng tiket mula sa isang outlet sa AngelesCity, Pampanga.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes. Hinimok naman ng ahensya na tangkilikin ang mga palaro ng (PCSO).

Upang makobra ang napanalunang tiket ay magtungo lamang sa punong-tanggapan sa Sun Plaza Building, 571 Shaw Blvd, Mandaluyong City at magdala ng dalawang balidong ID. Toto Nabaja