‘Lowest childbirths, highest death rate’ sa 4 dekada, naitala sa SoKor

‘Lowest childbirths, highest death rate’ sa 4 dekada, naitala sa SoKor

October 27, 2022 @ 7:33 AM 1 month ago


SOUTH Korea – Naitala sa bansang ito ang pinakakaonting bilang ng panganganak at pinakamataas na antas ng pagkamatay sa loob ng 41 taon sa buwan ng Agosto ngayong taon sa gitna ng tumatandang populasyon nito, at ng COVID-19 pandemic.

Sa ulat ng local media na Yonhap News Agency, umabot sa 21,758 na sanggol ang ipinanganak na mas mababa ng 2.4% kumpara sa nakaraang taon.

Ito ang pinakamababang birth rate sa anomang Agosto mula noong 1981.

Base pa sa ulat na mas maraming residente ng SoKor ang lumalayo sa pag-aasawa, at pagkakaroon ng mga anak dahil sa kakulangan ng disenteng pagkakataon sa trabaho, mataas na presyo ng bahay, at mabigat na bayad sa pribadong edukasyon.

Noong nakaraang taon, naitala din ng South Korea ang pinakamababang panganganak sa buong mundo.

Ang rate ng pagkamatay ng bansa sa anomang Agosto ay tumaas din dahil 30,001 katao ang namatay, na nagtala ng 15.8% na pagtaas mula sa nakaraang taon, ayon sa ulat.

Ang mabilis na pagtanda at ang pagbagsak ng pandemya ng Covid-19 ay nagtulak din sa pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa pinakamataas na rekord noong Agosto.

Sa kabila ng mga pagsisikap ng gobyerno, ang kabuuang fertility rate ng bansa, na tumutukoy sa average na bilang ng mga anak ng isang babae sa kanyang buhay, ay umabot sa 0.81 noong 2021, bumaba mula sa 0.84 noong 2020, iniulat ng ahensya. RNT