LPA, amihan babayo sa Pinas

LPA, amihan babayo sa Pinas

January 10, 2023 @ 6:39 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sanib-pwersa ang Low Pressure Area (LPA) na matatagpuan sa silangan ng Davao City at ang Northeast Monsoon (Amihan) na magpapaulan sa ilang lugar sa bansa, ayon sa pagtataya ng panahon ng PAGASA.

Ang Visayas, Mindanao, Albay, Catanduanes, Sorsogon, at Masbate ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa LPA.

Maaaring magresulta ang pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Alas-3 ng madaling araw ng Martes, tinatayang nasa 705 kilometro silangan ng Davao City ang LPA.

Samantala, ang Cagayan Valley, Quezon, Aurora, Marinduque, at ang nalalabing bahagi ng Bicol Region ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon, na may posibilidad ng flash flood o landslide dahil sa katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon sa kabilang banda ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan dahil na rin sa Northeast Monsoon.

Sumikat ang araw bandang 6:24 a.m., at lulubog ito mamayang 5:43 p.m. RNT