LPA, habagat sanib-pwersang magpapaulan sa Pinas

LPA, habagat sanib-pwersang magpapaulan sa Pinas

August 9, 2022 @ 6:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapaulan sa Pilipinas ang sanib-pwersang epekto ng Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon (Habagat) na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang lugar ngayong Martes, sinabi ng PAGASA.

Ang Caraga at ang Davao Region ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa LPA. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring mangyari dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Alas-3 ng madaling araw nitong Martes, tinatayang nasa 255 kilometro timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur o 280 kilometro silangan ng Davao City ang LPA.

Binabantayan din ng weather bureau ang aktibong tropical cyclone sa labas ng Philippine Area of ​​Responsibility (PAR).

Ang tropical depression na ito ay nasa 605 kilometro hilagang-kanluran ng Kalayaan Island, Palawan, na may lakas na hanging 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras. Kumikilos ito sa silangan hilagang-silangan sa bilis na 15 km/h.

Ang Southwest Monsoon naman ay “nakakaapekto sa western section ng Luzon,” sabi ng PAGASA.

Ang Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa sa kabilang banda ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng monsoon at localized thunderstorms na may posibleng flash flood o landslides sa panahon ng matinding pagkulog.

Sumikat ang araw bandang 5:41 a.m. at lulubog ito mamayang 6:22 p.m. RNT