LPA inaasahang papasok sa Pinas; Habagat magpapaulan sa 8 lugar

LPA inaasahang papasok sa Pinas; Habagat magpapaulan sa 8 lugar

August 14, 2022 @ 8:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapaulan ang Southwest Monsoon (Habagat) sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao ngayong Linggo at magdadala ng mga pag-ulan sa ilang lugar, sinabi ng PAGASA.

Ang Mimaropa, Bicol Region, Quezon, Batangas, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Samantala, ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng monsoon at localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magkaroon ng flash flood o landslide.

Samantala, maaaring pumasok ang low pressure area (LPA) sa Philippine Area of ​​Responsibility (PAR) sa loob ng isang araw, ayon kay PAGASA weather forecaster Benison Estareja sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“May binabantayang LPA sa labas ng PAR na nasa layong 990 km, silangan ng Mindanao… Posible itong pumasok pero hindi inaasahang magla-landfall,” Estareja said.

Sumikat ang araw bandang alas-5:42 ng umaga habang lulubog ito mamayang alas-6:20 ng gabi. RNT