LPA magpapaulan sa Visayas, 6 iba pang lugar

LPA magpapaulan sa Visayas, 6 iba pang lugar

February 19, 2023 @ 7:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan ang low pressure area (LPA) na nasa hilagang-silangan na bahagi ng Surigao del Norte sa Visayas at anim na iba pang lugar ngayong Linggo, Pebrero 19.

Ayon sa PAGASA, ang Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Bicol Region, Quezon, Romblon, at Marinduque ay magkakaroon ng maulap na kalangitan an may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa LPA.

Ibinabala ang posibilidad ng pagbaha at landslide sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Sa huling ulat, nitong 3 a.m. ay namataan ang LPA 195 kilometro hilagang-silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 160 kilometro silangan ng Tacloban City, Leyte.

Samantala, makakaapekto naman ang northeast monsoon o amihan sa Luzon.

Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan dulot ng amihan.

Makararanas naman ng maulap na kalangitan ang natitirang bahagi ng Mindanao, habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may tsansa ng mahihinang pag-ulan dahil pa rin sa amihan. RNT/JGC