LPA namataan sa Davao City; posibleng maging bagyo – PAGASA

LPA namataan sa Davao City; posibleng maging bagyo – PAGASA

July 8, 2022 @ 8:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Natukoy ang isang low-pressure area (LPA) sa Davao City nitong Biyernes, na posibleng maging bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sinabi ni weather specialist Benison Estareja na nabuo ang LPA sa loob ng Philippine area of responsibility bandang alas-2 ng madaling araw, at hanggang nitong alas-3 ng madaling araw, ito ay nasa 835 kilometers east ng Davao City.

Papangalanang “Ester” ang LPA kapag naging bagyo, aniya.

“Within the next 24 hours po, o hanggang bukas po ay inaasahang pa din itong maging isang low pressure area, o hindi pa magiging isang bagyo,” sabi ni Estareja.

“Subalit habang tinatawid o binabagtas itong silangang bahagi ng ating bansa, particularly the Philippine Sea, ay inaasahan na ito ay maging isang bagyo, base po sa pinapakita ng ating mga weather models. Kung saka-sakali po is papangalanan natin ito na Ester,” dagdag niya.

Sa kabila ng LPA, ang southwest monsoon (habagat) ang mananatiling dominant weather system sa bansa, na magdudulot ng maulap na kalangitan at ulan sa maraming parte ng bansa, ayon sa PAGASA.

Inaasahang nagdudulot ng maulap na kalangitan anf monsoon sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), Mimaropa (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan), Cagayan, Isabela, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula ngayong Biyernes. Sasabayan din ito ng pag-ulan base sa PAGASA.

Sa natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang fair weather. RNT/SA