LPA sa Batanes posibleng maging bagyo sa loob ng 48 oras-PAGASA

LPA sa Batanes posibleng maging bagyo sa loob ng 48 oras-PAGASA

August 3, 2021 @ 5:20 PM 6 months ago


MANILA – Posibleng maging tropical depression o bagyo ang namuong low pressure area (LPA) malapit sa extreme northern Luzon sa susunod na 48 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Agosto 3.

Ayon kay weather specialist Benison Estareja, tatawagin itong bagyong “Gorio”.

Sa tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa tinatayang 550 kilometro, hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes kaninang 10:00 ng umaga at inaasahang gumalaw patungo sa hilagang-silangan patungo sa hangganan ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob lamang ng ilang oras.

Pinalalakas din nito ang hanging habagat na maaaring magdulot ng katamtaman hanggang mabigat na pag-ulan sa lalawigan ng Ilocos Norte; Ilocos Sur; La Union; Pangasinan; Zambales; Bataan; Abra; Apayao; Benguet; Batanes at Babuyan group of islands sa susunod na 24 oras.

Mahina hanggang katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila; Tarlac; Pampanga; Bulacan; Occidental Mindoro; Batangas; Cavite; Ifugao; Kalinga; Mountain Province; ilan pang parte ng Cagayan; Isabela; Quirino, at Nueva Vizcaya.

Nag-abiso rin ang PAGASA sa posibleng maranasang pagbaha at landslide na maaaring idulot ng mabigat at matagal na pag-ulan lalong higit sa mga lugar na posibleng makaranas ng mga trahedyang ito. -RNT/Ethel Mangao -trainee