LPA trough magpapaulan sa VisMin, Bicol, bahagi ng Palawan

LPA trough magpapaulan sa VisMin, Bicol, bahagi ng Palawan

January 9, 2023 @ 6:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakaaapekto ang trough o extension ng isang low pressure area (LPA) sa Visayas at Mindanao ngayong Lunes, ayon sa weather forecast ng PAGASA.

Makararanas sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, at timog na bahagi ng Palawan kabilang ang Kalayaan Islands ng maulap na na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough ng LPA.

Nasa labas pa rin ng Philippine Area of ​​Responsibility ang LPA, ayon kay PAGASA weather specialist Robert Badrina.

“Maliit pa rin ang tsansa na ito ay magiging bagyo,” ani Badrina nitong Lunes.

Inaasahan naman sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng MIMAROPA, Quezon, at Aurora ang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon.

Samantala, ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan dahil sa monsoon.

Magiging katamtaman hanggang sa maalon ang mga coastal waters sa buong bansa.

Sumikat ang araw kaninang alas-6:24 ng umaga at lulubog mamayang alas-5:43 ng hapon. RNT/SA