LPG price hike nakaumang sa Pebrero

LPG price hike nakaumang sa Pebrero

January 17, 2023 @ 7:11 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tumaas ang demand sa liquified petroleum gas (LPG) kaya naman nagbabadyang sumirit din ang presyo nito sa merkado, kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya ng Tsina at papalapit na Chinese Lunar New Year.

Bunsod nito, nagbigay-alerto ang LPG Marketers Association sa mga mamimili tungkol sa paparating na pagtaas ng presyo sa Pebrero.

Sinabi ni LPGMA president Arnel Ty na wala pang pagtatantya ngunit ang mga presyo para sa Pebrero ay malamang na tumaas dahil sa matinding pagtaas ng demand mula sa China habang binubuhay nito ang ekonomiya nito sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID.

Inihayag din ni Ty na pinayuhan sila ng mga supplier na maaantala ang mga pagpapadala ng 2-3 linggo dahil sa pagtaas ng demand ngunit ang sitwasyon ay kaya namang mapamahalaan.

“Probably because of the demand na nagkakaroon ng maraming loading sa kanilang facilities that cause delay,” ani Ty. “We need lang proper management over the inventory na ginagawa na namin this early kaya no need to worry.”

Sa ilalim ng batas, ang mga tagagawa ng LPG ay kinakailangang magpanatili ng hindi bababa sa 7 araw ng imbentaryo.

Samantala, ang mga kumpanya ng langis ay nag-anunsyo ng pagtaas ng presyo para sa diesel at gasolina para ngayong Martes.

Ang diesel ay tataas ng P0.50 at ang gasolina ng P0.95. Ang kerosene naman ay magkakaroon ng rollback na P0.15/L. RNT