LRT ‘di pa magtataas ng pamasahe – LRTA

LRT ‘di pa magtataas ng pamasahe – LRTA

November 11, 2022 @ 9:36 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Wala pang nakikitang pagtataas sa pamasahe sa Light Rail Transit Lines 1 at 2 ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Huwebes, Nobyembre 10.

Ani LRTA Administrator Hernando Cabrera, bagama’t mayroon silang natanggap na mga fare hike petitions sa LRT-1 at LRT-2, kailangan pa itong dumaan sa mahabang proseso ng pag-apruba.

“Fares in Lines 1 and 2 [on] status quo. We won’t increase tomorrow, next week, or next month. This will go through a long process and we will have to evaluate all factors, when it comes to fare adjustment,” sinabi ni Cabrera sa isang pulong balitaan.

Nang tanungin kung gaano ito katagal bago maaaprubahan, sinabi din niya na sa 2015 increase ay inabot ito ng mahigit isang taon bago pinayagan.

Pagbabahagi pa ni Cabrera, nais ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang pribadong operator ng LRT-1 ay humihirit ng P16 na boarding fee at P1.50 na fare per kilometer.

Hindi naman niya sinabi kung magkano ang hirit na taas-pasahe sa LRT-2.

Dapat naman na aprubahan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transportation (DOTr), at Rail Regulatory Unit ang planong dagdag sa pamasahe.

“We will add to rehab and upgrading. The LRT-2 system is 20 years old, we really have to upgrade a lot of things,” ani Cabrera. RNT/JGC