LTFRB: Ilang tsuper naniningil nang mas mataas kaysa sa itinakdang pasahe

LTFRB: Ilang tsuper naniningil nang mas mataas kaysa sa itinakdang pasahe

October 11, 2022 @ 8:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na nakatanggap sila ng mga reklamo laban sa ilang mga driver ng public utility vehicle (PUV) na naniningil sa mga pasahero ng mas mataas na pamasahe kaysa sa itinakdang taas-pasahe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa isang public briefing, sinabi ni DOTr Undersecretray Timothy Batan na natanggap nila ang mga reklamong ito sa pamamagitan ng LTFRB.

Sinabi ng LTFRB na anim na porsyento lamang sa 250,000 target na PUVs ang nakakuha ng kopya ng updated fare matrix sa unang araw ng pagpapatupad ng fare hike noong Oktubre 3.

Ibinabala naman ni LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes na mayroong P5,000 na multa ang ipapataw sa mga PUV na hindi magpapakita ng kopya ng bagong fare matrix batay sa Joint Administrative Order No. 2014-001

Matatandaang inaprubahan ng LTFRB ang P1 na provisional na pagtaas sa minimum na pamasahe para sa unang apat na kilometrong biyahe sa mga public utility jeepney (PUJs), kung saan ang minimum na pamasahe para sa tradisyonal na PUJ ay hanggang P12, at ang modernong PUJ ay hanggang P14.

Inaprubahan din nito ang karagdagang pamasahe sa bawat susunod na kilometro, tumaas ng P0.30 para sa mga tradisyunal na PUJ hanggang P1.80, at ng P0.40 para sa mga modernong PUJ hanggang P2.20.

Para sa mga public utility bus (PUB), ang minimum na pamasahe para sa mga city bus ay tataas ng P2 para sa unang limang kilometro — P13 para sa mga regular na bus, at P15 para sa mga naka-air condition na bus.

Ang pinakamababang pamasahe para sa mga provincial bus ay tataas din ng P2, kasama ang mga susunod na kilometrong pagtaas ng pamasahe mula P1.90 hanggang P2.90 depende sa uri ng bus.

Para sa mga taxi, ang flag-down rate ay tataas sa P45, at P40 sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ang pamasahe ng transport network vehicle services (TNVS) ay tataas din sa P35 para sa mga hatchback-type na sasakyan; P45 para sa mga sedan-type na sasakyan; P55 para sa Asian utility vehicles (AUVs) at sports utility vehicles (SUVs).

Hinimok naman ni Batan ang publiko na ireport ang ganitong insidente sa LTFRB sa pamamagitan ng kanilang hotline sa 1242 at Facebook page. Jocelyn Tabangcura-Domenden