LTFRB magbibigay ng special permit sa mga bus sa holiday season

LTFRB magbibigay ng special permit sa mga bus sa holiday season

December 2, 2022 @ 6:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagbukas na ng aplikasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa special permit ng mga karagdagang bus units na gagamitin sa papalapit na Christmas season.

Ito ang sinabi ni LTFRB executive director Robert Peig nitong Biyernes, Disyembre 2 kung saan nakipag-ugnayan na umano sila sa iba pang ahensya upang masiguro rin ang kaligtasan at maayos na operasyon ng mga sakayan sa papalapit na holiday season.

“Kasama rin po ‘yung pagbubukas natin o pagbibigay po natin ng special permits para po sa ating mga buses para po mag-complement doon sa dami ng ating mga pasahero na uuwi sa kanilang mga probinsiya,” ani Peig.

Naghahanda na rin ang LTFRB sa ‘exodus’ o dagsa ng mga mag-uuwian sa mga probinsya kung kayat’ nakipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP), Inter-Agency Council for Traffic, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga local government units (LGU).

Nitong Nobyembre, sinabi ng MMDA na madaragdagan ng 10% hanggang 20% ang traffic volume dahil sa Christmas rush. RNT/JGC