LTFRB: Mangongolekta na ng pamasahe sa EDSA Bus Carousel sa mga piling oras

LTFRB: Mangongolekta na ng pamasahe sa EDSA Bus Carousel sa mga piling oras

September 20, 2022 @ 4:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinayagan nito ang koleksyon ng bus fare sa EDSA Bus Carousel mula alas-11 ng gabi hanggang alas-3 ng madaling araw, ayon sa ulat nitong Martes.

Ipinalabas ng LTFRB ang kumpirmasyon matapos magreklamo ng ilang mga pasahero na kailangan nilang pumila nang matagal sa EDSA Bus Carousel kagabi.

Anila, naghintay umano ang dispatchers hanggang alas-11 ng gabi bago sila pasakayin upang makasingil ng pamasahe sa mga commuter.

Ipinaliwanag naman ng LTFRB na hindi na kayang ilibre ng gobyerno ang sakay sa EDSA Bus Carousel sa loob ng 24 oras kaya pinairal ang fare box system.

Inihayag din nito na kaunti na lamang ang mga bus na bumibiyahe sa ruta.

Subalit, sinabi ng LTFRB na mag-iisyu ito ng regulasyon upang matiyak na patuloy ang operasyon ng EDSA Bus Carousel upang hindi na pumila nang mahaba ang mga pasahero.

Aarangkada ang “Libreng Sakay” program para sa EDSA Bus Carousel mula alas-4 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi hanggang Disyembre 2022. RNT/SA