LTFRB nagbabala sa mga pasahero vs paggamit ng pekeng vax cards

LTFRB nagbabala sa mga pasahero vs paggamit ng pekeng vax cards

January 16, 2022 @ 3:48 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Mahaharap sa kaso ang mga biyahero na magpapakita ng pekeng vaccine cards o medical certificates sa implementasyon ng “no vaccination, no ride” policy, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo.

Ipinaliwanag ni LTFRB-National Capital Region (NCR) Director Zona Tamayo na itinuturing ang local government unit-issued vaccine card o duly-signed medical certificate bilang public documents, at maaaring magresulta sa criminal offense ang pamemeke nito.

“Criminal offense po ‘yan—merong imprisonment, meron pang penalties ‘yan. Medyo mabigat ‘pag sinabi nating criminal offense,” aniya.

Matatandaang ipinagbawal ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsakay ng mga hindi bakunadong indibidwal sa public transportation sa NCR habang nasa ilalim ito ng Alert Level 3.

Magsisimula sa Lunes ang implementasyon ng naturang polisiya.

“Ang range po niyan nasa P500 up to P5,000. ‘Yung iba naman po may kasamang imprisonment ranging from five days to six months,” ani Transportation Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Reinier Paul Yebra.

“Siyempre kung may makitang paglabag din sa existing na mga health protocols o ordinansa ng ating mga LGUs ay puwede silang patawan ng karagdagang penalties para doon,” sabi pa ni Tamayo. RNT/SA