LTFRB nagpakalat ng rescue bus sa EDSA Carousel

LTFRB nagpakalat ng rescue bus sa EDSA Carousel

January 11, 2023 @ 8:18 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpakalat ng 42 karagdagang bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa EDSA Carousel upang umagapay sa mahabang pila ng mga pasahero kapag peak hours.

Ang paglalagay ng rescue bus ay sumusunod pa rin Omnibus Franchising Guidelines — na nagsimula noong Lunes, Enero 9 at magpapatuloy hanggang alas-6 ng umaga sa Enero 16.

Tatakbo ng 12 oras ang 42 karagdagang bus mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga araw-araw matapos ang 20-hour run ng mga regular bus o mula alas-4 ng madaling araw hanggang hatinggabi.

“The extra units, which come from bus companies that are not members of the two big consortiums that operate on the EDSA Busway Carousel, are meant to augment the existing number of buses plying said route,” sinabi ng LTFRB.

Ang dalawang malaking bus consortiums na tumatakbo sa EDSA Carousel ay ang ES Transport and Partners Consortium at Mega Manila Consortium Corp.

Sa online press briefing, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ang dalawang bus consortiums na ito ay walang sapat na drayber para mapatakbo ang mga bus nito.

Dahilan ani Guadiz, ay ang pagkatanggal ng mga driver nito sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“When the time came again for them to require these drivers to come in, many of them had already gone home to their provinces,” aniya. RNT/JGC