LTFRB: Unang parte ng pamamahagi ng fuel subsidy makukumpleto sa kalagitnaan ng Mayo

LTFRB: Unang parte ng pamamahagi ng fuel subsidy makukumpleto sa kalagitnaan ng Mayo

April 30, 2022 @ 1:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) nitong Sabado na makukumpleto ang pamamahagi ng P2.5 bilyong fuel subsidy para sa public utility vehicle drivers at operators sa ikalawang linggo ng Mayo.

Inilahad ni LTFRB executive director Kristina Cassion na sa kasalukuyan ay 180,000 PUV sector beneficiaries sa 264,000 na nakatala sa ahensya ang nabahaginan na ng P6,500 fuel subsidy sa kanilang cash cards.

“We really wanted to fast-track this one… by the second week of May fully matapos na ito,” ani Cassion.

Ayon pa kay Cassion, dapat na makumpleto ang pagbibigay ng unang tranche ng fuel subsidies bago ilabas ang ikalawang tranche.

Layunin ng fuel subsidy program ng gobyerno na magbigay ng tig-P6,500 cash grants sa 377,000 benepisyaryo, kabilang ang LTFRB-supervised PUV drivers at operators, tricycle drivers at operators sa ilalim ng DILG, at delivery riders sa ilalim ng DTI. RNT/SA