LTO aminadong may problema sa backlogs, pondo sa motorcycle plate

LTO aminadong may problema sa backlogs, pondo sa motorcycle plate

March 10, 2023 @ 5:07 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Aminado ang Land Transportation Office (LTO) na talagang may problema pagdating sa pag-iisyu ng mga plaka ng mga sasakyan lalo na sa motorcycle plate.

Sinabi ni LTO Chief Asec. Jay Art Tugade sa kanyang pagdalo sa Balitaan sa Tinapayan na noong 2017 pababa ay walang na-isyung mga plaka.

Ayon kay Tugade, kung mayroon man aniyang na-isyu na plaka, hindi lahat ng mga initial registered motorcycle ay naisyuhan ng plaka kaya sa ngayon aniya ay ito ang kanilang binubuno.

Sa kanila aniyang pagpupulong sa LTO, 13 milyon ang kailangang bunuin na plaka para sa mga motorsiklo kung saan ang bahagi nito na 9 milyon ay para sa mga kailangan nang magpalit ng plaka.

“Mayroon kasi ngayong bagong batas na ipinasa – yung motorcycle crime prevention act which requires plate numbers of motorcycles to be bigger, readable and colorful coded”, ani Tugade.

Dahil sa ipinasang batas na ito, kailangang baguhin ng LTO ang lahat ng mga plaka na nailabas bago umiral ang kasalukuyang batas.

Habang ang 4 na milyon ay mga bagong motorsiklo na wala pang plaka dahil naman sa general appropriation act o GAA budget.

Paliwanag ni Tugade, ang fee na ibinabayad sa plaka ng mga motorista ay hindi direktang napupunta sa LTO.

Ito aniya ay obligado nilang idini-deposito o inireremit sa Bureau of Treasury kasama ang iba pa nilang koleksyon tulad ng mga “huli”.

Dagdag pa ni Tugade, ang ginagamit na pondo ng LTO para gumawa ng plaka ay ang pondo na ibinibigay sa pamamagitan ng GAA at hindi sapat ang pondo na ibinigay sa nakalipas na mga taon sa ahensya para mapunuan ang mga kotse na nangangailangan ng plaka, dahilan para magkaroon naman ng “backlogs” sa nagdaang mga taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden