LTO chief nagbabala sa mga tiwaling tauhan, empleyadong fixer tiklo

LTO chief nagbabala sa mga tiwaling tauhan, empleyadong fixer tiklo

December 7, 2022 @ 7:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng liderato ng Land Transportation Office (LTO) ang tuluy-tuloy na kampanya laban sa korupsyon sa kanilang hanay kasunod ng pagkakahuli sa isa sa mga kawani nito na umano’y nagsisilbi ring “fixer” sa mga transaksyon sa ahensya.

Diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, walang puwang sa LTO ang mga nasasangkot sa katiwalian at bilang na rin ang araw ng mga ito sa kanilang mga ilegal na aktibidad.

“As I have said repeatedly, we will not stop until we have eliminated fixers, which is among the roots of corruption in the agency, at any of the LTO offices nationwide. Our objective is to finally get rid of them once and for all. These unscrupulous individuals have no place in an agency such as the LTO because they have given us a bad name for the longest time. Let this be a warning: their days are numbered,” pahayag ni LTO Chief Tugade.

Ang pahayag na ito ng opisyal ay kasunod ng inihaing reklamo sa tanggapan ng LTO Region 6 kung saan isang tauhan ng LTO Guimbal Extension Office sa Iloilo ang umano’y nagsisilbing “fixer”. Lihim umano itong tumatanggap ng mga transaksyon ng ilang kliyente — mula sa pagre-renew ng rehistro, pagpapa-lisensya, at maging ang pagbabayad ng multa kapalit ng pera.

Gayunman, kinukuha lamang umano nito ang bayad at hindi na itinutuloy ang pagproseso.

Kasunod nito’y iniutos ni LTO Region 6 Director Eric Lenard Tabaldo ang isang entrapment operation na nagresulta ng pagkakadakip sa kawani ng LTO na sinasabing nahuli sa akto na tumanggap ng P6,000 mula sa poseur-client na magpapa-renew ng rehistro ng kanyang sasakyan.

Nahaharap na sa reklamong paglabag sa Republic Act 11032 o “Ease of Doing Business Law” sa Iloilo Provincial Prosecutor’s Office ang aninnapu’t isang taong gulang na suspek. Bukod dito, sinampahan na rin siya ng kasong administratibo at sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Guimbal Municipal Police Station.

“It’s sad that the suspect is almost at the twilight of her life with her age, but we have to enforce the law. That is our mandate. As I said, fixing and corruption has no place in the LTO anymore. Cleansing our ranks of corrupt employees is paramount because no one will trust the agency anymore if the cycle of corruption continues,” muling pagdidiin ni Tugade. Jan Sinocruz