LTO customers iritable sa aberya ng IT contractor

LTO customers iritable sa aberya ng IT contractor

September 12, 2022 @ 8:35 AM 3 weeks ago


Manila, Philippines- Napuno kamakailan ang mga tanggapan ng Land Transportation Office sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng mga iritableng customer dahil sa mahabang pila at kaliwa’t kanang abiso na nagsasaad na “offline” ang information technology  portal ng ahensya na Land Transportation Management System na gawa ng banyagang IT contractor.

Ang pagbabagal ng LTMS ay unang naranasan noong mga huling araw ng Agosto at nagdulot ng pagkaantala ng serbisyo ng LTO sa pagbibigay ng lisensya at rehistro ng mga sasakayan sa iba’t ibang rehiyon kabilang na ang National Capital Region.

Ayon sa hepe ng LTO-Makati District Office na si Marinette Abarico, ito na ang pinakamalalang slowdown na naranasan nila sa LTMS.

Maging sa Davao ay ramdam din ang problemang ito.

Ayon sa hepe ng LTO-Davao South District Office na si Melencio Diaz, kinakailangang mag-overtime ang ilan sa kanilang mga empleyado kahit na rest day o holiday nang walang bayad para lang matugunan ang isang buwang backlog sa vehicle registration.

Ang nakalulungkot aniya, ang mga empleyadong ito ay nakatatanggap pa ng masasakit na salita mula sa mga dismayadong kliyente.

Pinakita rin sa ilang report ng media nitong nakaraang linggo ang hirap na dinaranas ng ilang motorista sa pakikipag-transaksyon sa LTO.

Sa ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN, inilahad ang aberyang dinanas ng motoristang si Likha Cuevas na halos isang linggong pabalik-balik sa mga tanggapan ng LTO para maparehistro lang ang sasakyan.

Ani Cuevas, dapat na tutukan ng LTO ang problema ng kanilang IT system provider dahil maraming mamamayan ang labis na napeperwisyo. Ang ilang motorista naman, kinailangang lumiban sa trabaho ng ilang araw at isakripisyo ang arawang kita para tapusin ang pagpaparehistro ng motorsiklo.

Ang ilan, sa social media naglabas ng mga hinaing. Ibinahagi ng mobility website na Visor ang Facebook post ng netizen na si Rsh Beato na may caption na “Wasting hours at LTO because they are offline.” Nagkomento sa post na ito ang ilang netizen na nakaranas din ng parehong sitwasyon kagaya ni Louis Matthew Gabriel na nagsabing nasayang ang dalawang araw niyang pagliban sa trabaho dahil wala siyang napala sa kanyang lakad sa LTO.

Inireklamo naman ni Shane Ramos ang haba ng pila sa LTO-Bataan dahil sa pagpalya ng LTMS.

Ani Ramos, malaking aberya ito para sa mga estudyante at empleyado.

Higit na nagpahirap pa ang mainit na waiting area kung saan sila nakapila.

Nauna nang humingi ng paumanhin ang LTO dahil sa pagbabagal ng LTMS at mariing itinanggi ang alegasyon ng pananabotahe sa loob mismo ng ahensya kaya nagkaroon ng pagbabagal.

Matatandaang noong 2018 ay nakuha ng Dermalog ang P3.4 billion Road IT project na naglalayong pabilisin ang transaksyon sa LTO gamit ang digital solutions. Ang halagang ito ay kabilang sa Component A ng naturang proyekto na may kinalaman sa pagbuo ng LTMS at hiwalay pa sa Component B na nagkakahalaga naman ng P4.8 billion. Sinabi ng Commission on Audit  na nagkaroon ng “undue payment” ang LTO sa Dermalog dahil hindi pa natatapos ng dayuhang IT contractor ang mga deliverables nito na siyang dahilan ng mga aberya sa ahensya ngunit sila ay nabayaran na.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng Dermalog na si Atty. Nikki de Vega,  na nakatanggap na ng halos P3 bilyon na kabayaran ang foreign IT company mula sa gobyerno.

Nagpasaklolo na ang LTO sa Department of Information and Communications Technology para masolusyunan ang problema sa LTMS. RNT