LTO resolution vs may-ari ng Ferrari inihahanda na

LTO resolution vs may-ari ng Ferrari inihahanda na

October 26, 2022 @ 6:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang magpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng resolusyon laban sa drayber at may-ari ng pulang sports car na pumasok sa EDSA bus lane na ekslusibo sa mga pampasaherong bus, ambulansya at mga sasakyan ng gobyerno na may emergency.

Kasunod ito ng kabiguan ng drayber at may-ari ng sports car na humarap sa pagpapatawag ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa ikalawang pagkakataon ngayong araw, Oktubre 26.

Ayon kay Renan Melitante, pinuno ng LTO-IID, kanilang irerekomenda kay LTO Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang 90-araw na suspensyon ng lisensya ng drayber ng pulang Ferrari.

Bukod dito, isasailalim din sa alarma ang sasakyan na ang ibig sabihin ay hindi ito maaaring makapagrenew ng rehistro ng sasakyan hangga’t hindi lumulutang ang drayber at may-ari upang magpaliwanag sa ginawang mga paglabag.

Naniniwala naman si Assistant Secretary Guadiz na nabigyan ng due process o pagkakataon na makapagpaliwanag at dumipensa ang drayber at may-ari ng pulang Ferrari at magdedesisyon ang LTO batay sa mga ebidensya.

“In the interest of justice and the LTO’s strict adherence to proper legal procedure, we have extended all possible leeway for the driver/owner to explain why the violation was committed. Since there was failure to do so, we have no recourse but to apply the law,” pahayag ni Assistant Secretary Guadiz.

“Let this case also serve as an example that the LTO will not tolerate violations against traffic laws that were put in place for the safety of everyone, especially now that the country is still in a state of national health emergency. We hope that other drivers out there who may think of doing the same thing in the future will rethink their action,” dagdag nito. Jan Sinocruz