LTO sa publiko: Law enforcers, ‘wag suhulan

LTO sa publiko: Law enforcers, ‘wag suhulan

January 5, 2023 @ 7:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umapela ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na kilalanin at irespeto ang awtoridad ng mga law enforcer ng ahensya lalo na kung nahuli dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko.

Partikular na iginigiit ng LTO na iwasang alukin ng pera o anumang uri ng panunuhol para lamang malusutan ang pananagutan o ang pagbibigay ng violation ticket sa lumabag sa motorista.

“Offering bribes to our law enforcers will not get you anywhere and will make things worse. Wala pong tiwali kung walang mag-uudyok na maging tiwali. Magtulungan po tayo,” pagdidiin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

Ang apela ay kasunod ng pagkakahuli ng LTO Region 5 Law Enforcement sa Sorsogon City sa isang drayber na nasita sa inspeksyon bilang bahagi ng “Oplan Ligtas Biyaheng Pasko 2022” kamakailan.

Habang naka-duty sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Guinlajon, Sorsogon City ang grupo ng mga LTO enforcer na sina Rey Alvin Belgica, Wilfredo Macapagal Jr., Ferdinand Sta Ana Jr., at Gregory Jim Monforte, pinara nila ang Toyota Ace na may plakang NAC 4647 para iberipika ang lisensya at rehistro nito.

Nadiskubre na ang sasakyan ay ginagamit upang maghatid ng labing-pitong pasahero mula Northern Samar patungong Cubao, Quezon City na malinaw na paglabag sa batas dahil sa pagpapatakbo ng “for hire” na sasakyan na walang prangkisa o kolorum.

Sa gitna umano ng inihahanda ni Belgica na Temporary Operator’s Permit (TOP) o violation ticket, ikinagulat nito na lumapit ang drayber at sinubukang magsuksok ng tatlong piraso ng tig-iisang libong piso sa ilalim ng mga dokumentong hawak niya.

Gayunpaman, biglang hinablot ng drayber ang pera at lumayo matapos mapag-alaman na may nakatutok at naka-rekord na kamera sa kanya at sinundan na ito ng pagdakip sa kanya ng mga law enforcer.

“The entire LTO and I laud the actions of our noble traffic enforcers for refusing to accept the alleged bribery attempt, for standing firm in enforcing the law and not be tempted by acts of corruption. They are exceptional public servants that should be emulated by everyone,” dagdag pa ni LTO Chief Tugade.

Pinasalamatan din ni Tugade si LTO Region 5 Assistant Regional Director Vince Nato sa kanyang agarang aksyon at sa lahat ng kanyang pagsisikap na matiyak na naipapatupad ang batas-trapiko sa nasasakupan nito. Jan Sinocruz