LTO todo-alerto na sa Undas 2022

LTO todo-alerto na sa Undas 2022

October 25, 2022 @ 10:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na nasa “heightened alert” status ito mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4 para sa pagdiriwang ngayong taon ng Undas o All Saints Day.

Sa panahong ito isasagawa ang mahigpit na pagsubaybay sa mga aktibidad sa mga pangunahing lansangan at mga terminal ng transportasyon sa iba’t ibang lalawigan, lungsod, at munisipalidad sa buong bansa.

Tiniyak ni LTO chief Teofilo Guadiz sa publiko na ang pagsubaybay ay magiging malapit sa koordinasyon sa mga transport group gayundin sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na namamahala sa pagpapatupad ng batas at pagtugon sa emerhensiyang medikal.

Alinsunod din sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero, sinabi ng ahensya na nakahanay na ang mga aktibidad sa road safety education at defensive driving para sa mga driver at operator ng public utility vehicle, pribadong motorista, at pangkalahatang publiko. RNT