LUBID-LUBID NA KASINUNGALINGAN SA PPA

LUBID-LUBID NA KASINUNGALINGAN SA PPA

October 25, 2022 @ 4:05 PM 1 month ago


HINDI magkandakumahog ang mga officer-in-charge na itinalaga sa Philippine Ports Authority ni DOTR Secretary Jimmy Bautista sa kagagawa ng mga white paper na kunwari ay galing sa mga empleyado ng PPA.

Pero sa totoo lang, sila-sila mismo ang may akda ng mga ito sa layong i-delay pa ang mga permanent appointment dyan sa PPA.

Partikular nilang target na sirain ang pangalan ni PPA General Manager Jay Santiago. At upang gawin ito ay naglulubid sila ng kung ano-anong kasinungalingan.

Ngunit hindi nila naiisip na walang silbi ang ginagawa nilang paninira dahil kahit ang mismong mga press release na ipinalabas ng DOTR na nag-aanunsyo ng pangalan ni PPA Assistant General Manager Francisquel Mancile bilang OIC ay hindi napigilan ang pagpuri kay GM Jay Santiago.

Sinabi mismo ng DOTR na ang PPA na pinamunuan ni Santiago ay walang naging kaparis sa mga aspeto ng project completion, revenue generation, modernization and digitalization.

Sa kabilang dako, si Mancile, bilang OIC, ang kauna-unahang appointee ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakasuhan sa Ombudsman.

Nadawit din ang pangalan ni Mancile sa tinatawag na “abuloy” scandal kung saan isang PPA memo ang nangalap ng tulong para sa mga miyembro ng pamilya ni Mancile.

Bago naging AGM si Mancile ay naging Port Manager sa Lucena, Quezon.

Doon siya nadestino mula sa mas malaking Port of Manila, para maimbestigahan siya kaugnay ang ilang mga iregularidad na nangyari, kagaya ng foreclosure ng PPA properties ng pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa hindi pagbabayad ng real property taxes na nakolekta ni Mancile sa tenants ng PPA.

Bukod pa rito ang paglipana ng mga iligal na operasyon ng unauthorized port service providers sa Port of Manila.
Ano’ng sey nyo?