Lumagui: Marcos estate tax case, bubusisiin ng BIR

Lumagui: Marcos estate tax case, bubusisiin ng BIR

December 13, 2022 @ 6:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng newly-appointed head ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na bubusisiin ng ahensya ang naiulat na unpaid estate taxes ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pag-aaralan po natin ‘yan at sisiguraduhin natin na lahat ng aksyon na gagawin natin diyan ay yung naayon lang sa batas,” sabi ni BIR chief Romeo Lumagui Jr. nitong Martes, subalit hindi na nagbigay ng iba pang detalye.

Noong 1997, humatol ang Supreme Court na may utang ang pamilya Marcos sa pamahalaan na ₱23 bilyong estate taxes. Lumobo na umano ang tax liability sa ₱203 bilyon dahil sa penalties at surcharges.

Nauna nang pumayag ng political party ni Marcos na Partido Federal ng Pilipinas na final at executory ang desisyon ng Supreme Court, subalit maaari pa umanong talakayin ang hinggil sa surcharges.

Iminungkahi rin ng chief executive na buksan at talakayin ang kaso dahil hindi umano binigyan ng pagkakataon ang kanyang pamilya na magpaliwanag ukol dito.

Nangako rin si Lumagui — na naupo bilang pinuno ng BIR noong Nobyembre—na magiging agresibo ang mga awtoridad sa kampanya laban sa tax evaders. Nitong Martes ng umaga, naghain ng ₱1.2-billion evasion complaint ang ahensya laban sa limang illegal vape sellers. RNT/SA