Lumahok sa Sinulog 2023 kakaunti

Lumahok sa Sinulog 2023 kakaunti

January 15, 2023 @ 1:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kapansin-pansin na kakaunti ang mga lumahok sa idaraos na grand parade para sa Sinulog 2023.

Ito ay sa kabila ng pagbabalik ng naturang selebrasyon matapos na ipagpaliban ito sa nagdaang dalawang taon dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa datos na inilabas ng Sinulog Foundation Inc. (SFI), nasa 70 lamang ang mga lumahok sa Sinulog ngayong taon kumpara sa 105 participants na sumali noong 2020 o bago ang lockdown sa pandemya.

Dagdag pa, 16 lamang ang dancing contingents habang lima sa mga ito ang sumali sa Sinulog Based (SB) category at 11 ang sumali sa Free Interpretation (FI) category.

Kabilang sa mga lumahok sa FI ay ang Lumad Basakanon ng Cebu, Omega de Salonera ng Bucas Grande Island sa Surigao del Norte at Bailes de Luces ng La Castellana, Negros Occidental.

Kakaunti rin ang inaasahang makikita na puppet at higantes sa grand parade.

Nasa kabuuang 10 contingents mula sa Cebu ang nauna nang umurong sa grand parade ngayong taon dahil sa hindi maayos na venue ng grand parade na inilipat sa South Road Properties (SRP).

Anila, ang lugar na nilipatan ay walang lilim at walang nakalaan na holding area para sa mga performers, maliban pa sa pagiging maputik nito dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nararanasan sa probinsya dahil sa low pressure area.

Inanunsyo ni Governor Gwendolyn Garcia na hindi sila sasali sa Sinulog kung hindi maibabalik sa Cebu City Sports Center (CCSC) ang venue ng selebrasyon.

Sa halip ay sasali na lamang umano sila sa Sinulog sa Carmen na nakatakda sa Enero 22.

Iginiit naman ni Cebu City Mayor Michael Rama na magpapatuloy ang grand parade sa bagong lokasyon nito na SRP. RNT/JGC