LUMALALA ANG PAG-ATAKE NG CHINA

LUMALALA ANG PAG-ATAKE NG CHINA

February 16, 2023 @ 8:40 AM 1 month ago


BINABALIGTAD tayo ng China. Inaakusahan ang Philippine Coast Guard nang panghihimasok sa tinatawag nitong karagatan daw nila – ang Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

At sa halip na humingi ng paumanhin, ipinagtanggol pa ni Chinese foreign ministry spokesman Wang Wenbin ang barko ng sarili nilang Coast Guard sa panunutok ng military-grade laser light sa barko ng PCG, na nagresulta sa pansamantalang pagkabulag ng isang Pilipinong lulan ng ating barko.

Ipinatawag ni Pangulong Marcos si Chinese Ambassador Huang Xilian kaugnay ng insidente at ng “dumadalas at lumalalang ginagawa” ng Beijing na malinaw namang agresibo laban sa Pilipinas.

Naniniwala akong hindi ito magagawa ng China kung nagkataong barko ng Amerika ang tumatawid sa Taiwan Strait.

Hindi siguro rito sa atin, o hindi rin marahil sa ngayon, pero darating ang panahong ang pagiging aroganteng ito ng China ay magreresulta nang sobra-sobra pa sa kakayanin nito.

Alerto kontra China

Pagkatapos pabagsakin ang pinaniniwalaan ng mga awtoridad sa Amerika na mga Chinese spy balloon, dalawa pang kahina-hinalang bagay ang inasinta ng F-22 fighter jets sa himpapawid ng Amerika at Canada sa loob ng isang linggo.

Nagdududa na ngayon ang Canada kung ano ang mga hindi mapagwaring flying objects na lumulutang sa himpapawid at kung sinasadya bang magawi ito sa kanilang bansa. Galing nga kaya sa China ang mga iyon?

Nalasing na marahil sa kanyang nakalululang kapangyarihan si President Xi Jinping kaya hindi na niya napagtatanto kung ilang posibleng kaaway ang kinokolekta ng China, kabilang na ang mga bansang ibinaon niya sa pagkakautang.

Tit-for-tat?

Gayundin naman, inaakusahan ng China ang Washington ng “illegal” na pagpapalipad ng mga high-altitude balloons sa himpapawid nito – hindi raw bababa sa 10 beses simula noong Enero ng nakalipas na taon, ayon sa kanilang foreign ministry.

Itinanggi ng White House ang akusasyon ni Wang at iginiit na ang pagbibintang ay isang pagtatangka ng “damage control,” kasunod nang pagkakadiskubre ng mga umano’y spy balloon mula sa China na pinabagsak sa katimugang California.

Kalaunan, mapagtatanto ng Beijing na kahit pa sakaling may katotohanan ang mga akusasyon nito laban sa Amerika, ang simpatiya ng mundo, lalo na mula sa mga kalapit-bansa ng China sa Asya, ay magiging kasing tuyot ng disyerto.

99 na si JPE

Ang klasikong politiko na si Juan Ponce Enrile ay 99-anyos na nitong Valentine’s Day. Sapat ang lakas ng kanyang katawan upang mag-celebrate, i-post iyon sa social media, at panatilihin ang kanyang trabaho bilang tagapayong legal ni President Marcos.

Gayunman, sa kabila nang napakaraming taon na ipinagkaloob sa kanya, wala pa ring sapat na tapang upang harapin ang pagdinig ng Sandiganbayan nitong Martes. Buti pa ‘yung dati niyang chief of staff na si Atty. Gigi Reyes, nagawang makasipot.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.