Lungsod ng Kherson nabawi na ng Ukraine

Lungsod ng Kherson nabawi na ng Ukraine

November 12, 2022 @ 9:14 AM 4 weeks ago


KYIV – Nabawi na ng Ukraine ang lungsod ng Kherson na sinasabing pinakamalaking tagumpay nito laban sa Russia.

Ang Kherson ang kaisa-isa at pinakamalaking tagumpay ng Russia laban sa Ukraine sa ilang buwang nang giyera sa pagitan ng dalawa.

Agad namang naging piyesta ang pagpasok ng mga sundalong Ukrainian sa lungsod nang salubungin sila ng mga mamamayan na tuwang-tuwang sa paglaya nila sa mga tropang Ruso.

Gayunman, hindi pa ring ganoon kaligtas ang mga sundalong Ukrainian dahil posible umanong may nakatanim na mga bomba sa ilang lugar at may panganib ding naghihintay sa kanila sa mga armadong nagbihis-sibilyan na mga Ruso at Ukranian din.

Nabawi ng mga Ukrainian ang lungsod nang walang laban matapos umatras ang mga pwersa ng Russia sa kabilang bahagi ng lugar na hinati ng Dnipro River.

Nasa 30,000 sundalong Ruso ang lumipat sa kabilang lugar bitbit ang nasa 5,000 kagamitang pangmilitar. RNT