LUNGSOD NG MALABON, NAGKAROON NG MALAKING PAGBABAGO

LUNGSOD NG MALABON, NAGKAROON NG MALAKING PAGBABAGO

September 5, 2022 @ 6:45 PM 1 month ago


SA apat na siyudad sa Northern part ng Metro Manila, tanging ang Lungsod ng Malabon lang ang nagkaroon ng pagbabago ng administrasyon at sa kauna-unahang pagkakataon, babae pa ang nakaupong alkalde ngayon, kumpara sa mga katabing lungsod na nagpalitan lang ng pamamahala ang magkakapatid at mag-ama.

Sa mga Lungsod ng Valenzuela at Navotas, naghalinhinan lang sa posisyon ng pagiging alkalde at kongresista ang magkakapatid habang sa Caloocan ay nagpalitan naman ang mag-amang Oca at Along Malapitan.

Naging kostumbre kasi ng ilang mga pulitiko na kapag sila na ang nakaupo sa puwesto, hindi itinutuloy kahit maganda ang programa at proyekto ng kanyang hinalinhan sa pangambang hindi sa kanya mapunta ang kredito.

Halimbawa na lang ang Navotas City na dati’y iniiwasang tirhan o lipatan ng mga mamamayan dahil madali raw bahain pero ngayon, nagsisiksikan pa ang mga taong nais na rito manirahan dahil maraming oportunidad at benepisyo silang nakukuha mula sa lokal na pamahalaan.

Nagpapalitan lang kasi sa posisyon ang magkapatid ng Mayor John Rey at Congressman Toby Tiangco kaya tuloy-tuloy ang mga magagandang proyekto at programa na nakapagpaunlad sa ekonomiya at kabuhayan ng maraming mamamayan.

Siyempre, mayroon ding hindi natutuwa kapag nagpapalitan lang ang mga miyembro ng isang pamilya sa kani-kanilang posisyon lalo na kung puro pagpapayaman lang sa puwesto ang mga nagpapalitan, tulad ng nangyayari sa mga malalayong lalawigan.

Pero sa Metro Manila, may mga operator naman ng iligal na sugal ang natutuwa at hindi natutuwa sa ganitong uri ng pulitika. Ang mga nagagalak, sila ‘yung patuloy na nakakapagsagawa ng iligal na operasyon habang ‘yung nagtatanim ng pag-iimbot, sila naman yung nahinto ang iligal na operasyon kapag nagbago ang administrasyon.

Tulad na lang sa Malabon City, puro gerilya o patago na lang at pasulpot-sulpot ang iligal na operasyon ng mga operator ng iligal na sugal tulad ng lotteng at jueteng dahil hindi sila makaporma kay Mayor Jeannie Sandoval na ipinagbawal ang pagkakaroon ng iligal na sugal sa lungsod.

Iba naman sa Caloocan City dahil ang tinaguriang sakla queen na si alyas “Lucy” ay unti-unti na namang nakakaporma dahil pinayagan umano ni Mayor Along Malapitan ang sakla pero kapag may patay lang na pinaglalamayan para makatulong sa pamilya ng namatayan sa gastusin sa pagbuburol at pagpapalibing

Natigil nga lang ang iligal na operasyon ng magkaroon ng pandemya. Bukod nga pala sa sakla, marami na rin ngayong “gerilya” ng lotteng, jueteng, bookies ng karera at iba pang uri ng sugal sa Caloocan dahil ang ilan daw operator na nahirapang makaporma sa Malabon ay lumipat na sa naturang lungsod,

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.