Lupa sa Taguig gumuho; tindahan natabunan, isa sugatan

Lupa sa Taguig gumuho; tindahan natabunan, isa sugatan

July 21, 2022 @ 8:08 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang menor de edad na babae makaraang natabunan ng gumuhong lupa ang binabantayang tindahan sa Cuasay Road, Barangay Central Signal, Taguig City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig City government, soil erosion ang nag-trigger ng pagguho ng lupa at bahay na nakatirik doon kaya magkasamang natabunan ang tindahan at 17 anyos na tindera.

Subalit sa salaysay ng may-ari ng bahay na gumuho, hinukay ng okupante sa ibaba ng bahay ang parte ng lupa upang lumuwag ang kanilang pwesto .

Ilang beses na umanong ginagawa ang paghuhukay na yaon at itinitigil lamang pag nasisita pero muling uulit sa ibang panahon.

Hindi naman pinangalanan ang biktima, ang itinurong may kasalanan gayundin ang may-ari ng bahay.

Agad namang idineklara ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na “danger zone” ang bahagi ng Cuasay Road, Barangay Central Signal at isinara ito upang wala nang malagay pa sa panganib.

Nanatiling soil erosion dahil sa mga naipong tubig dulot ng pag-ulan ang tinitingnang sanhi ng pagguho ng lupa.

Matapos ang insidente, agad na sumaklolo ang Taguig City quick response team, engineers, at social workers upang masuri ang pinsala at tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa lugar.

Tinulungan na ring ilikas ang mga pamilyang nakatira malapit sa landslide area habang patuloy ang imbestigasyon at assessment sa lugar.

“Ang kaligtasan at kapakanan ng mga Taguigeño ang prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig kaya pinapaalalahanan ang lahat na magsagawa ng routine check ng mga sira sa kanilang mga bahay or lugar ng trabaho lalo na ngayong tag-ulan”, sabi ng Taguig City LGU. Dave Baluyot