Lupang inasam ng 15 taon, nakamtan ng 76 magsasaka sa Albay

Lupang inasam ng 15 taon, nakamtan ng 76 magsasaka sa Albay

January 17, 2022 @ 6:47 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng mga lupang agrikultural sa mga walang lupang magsasaka makalipas ang labinlimang (15) taong paghihintay, 76 na  agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang sa wakas ay makakamit na ang kanilang ang Certificates of Landownership Awards (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang nasabing CLOA ay sumasakop sa lupain ng dating pagmamay-ari nina Pablo Alsua at Amparo Buenviaje, at ni Ramon Alsua sa mga Barangay ng Marigondon at La Medalla sa nasabing bayan.

Sa ulat ng Albay agrarian reform chief Maria Eugenia M. Alteza, ang pamamahagi ng CLOA, na may kabuuang 138-ektarya, ay gaganapin pagkatapos makumpleto ang land acquisition process sa dalawang parsela ng lupain ng mga Alsua, at idinagdagdag niya na ang mga CLOA ay inihahanda at tinatapos na.

Ang mga dahilan ng pagkaantala ng pagbabahagi ng lupain ay dahil sa masugid na inilalakad ng landowner na i-withdraw noong 2005 ang  notice of coverage sa lupain upang ito ay manatili sa kanya, at ang isa pa ay ang pagkakamali sa dating dokumentasyon ng lupain na dapat itama.

“Upang maitama ang mga bagay na ito, nagsagawa ang DAR ng joint field investigation kasama ang National Inter-Agency CARP Implementing Team (NIACIT), na binubuo ng mga representative mula sa Land Bank of the Philippines (LBP), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Local Government Unit (LGU),” ani Alteza.

Kaugnay nito pagkatapos naman na maresolba ang problema sa land coverage, may iba pang mga isyu na lumabas gaya ng pag-abandona ng mga dating napiling benepisyaryo, hindi pagbayad sa share ng landowner at mga sukat na nararapat ibigay sa mga magsasaka.

Samantala idinulog din ng mga Alsua ang kanilang alalahanin sa mga hindi nababayarang renta ng mga tenant sa loob ng dalawang dekada.

“Sa aming pakikipagdiyalogo, pinaalalahanan namin ang mga farmer-occupant na sa ilalim ng batas ng Comprehensive Agrarian Reform Program, obligado silang bayaran ang landowner sa nakatakdang panahon, hanggang sa oras na mailipat sa pangalan nila ang CLOA,” aniya.

Kaugnay nito sinabi rin ni Alteza na ang land acquisition process ay hindi madaling tapusin dahil sa tagal at masusing proseso na dapat sundan, subalit hindi ininda ng ng mga tauhan ng DAR kasama ang mga miyembro ng NIACIT, ang paghihirap, at, sa halip, ay nagtiyaga sila at nagtagumpay.  Santi Celario