Luzon Grid nakasailalim sa Yellow Alert; Red Alert nakatakdang ikasa

Luzon Grid nakasailalim sa Yellow Alert; Red Alert nakatakdang ikasa

September 12, 2022 @ 11:14 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon Grid sa ilalim ng Yellow Alert status nitong Lunes ng umaga at nakatakdang itaas sa Red Alert mamayang hapon, kasunod ng forced outage ng hindi bababa sa pitong power plants.

Sa abiso, sinabi ng NGCP na nakasailalim ang Luzon Grid sa Yellow Alert mula alas-9 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon, na nangangahulugan ng manipis na reserba sa grid batay sa supply at demand.

Ang available capacity ay tinatayang nasa 10,727 megawatts, na may peak demand na 10,585 megawatts.

Isasailalim naman ang Luzon Grid sa Red Alert mula ala-1 hanggang alas-4 ng hapon ngayong Lunes, na nangangahulugan ng zero ancillary services o generation deficiency.

Ibabalik naman ito sa yellow alert mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.

Ayon sa NGCP, mayroong 3,627 megawatts na nawala mula sa grid matapos ang forced outage sa pitong power plants habang tatlo ang tumatakbo sa derated capacities. RNT/SA