Luzon megabat kumpirmadong namataan sa Masungi

Luzon megabat kumpirmadong namataan sa Masungi

August 22, 2022 @ 10:46 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kumpirmado na ang pagkakakita ng Mottle-winged Flying Fox (Desmalopex leucopterus) sa Masungi landscape, ayon sa Masungi Georeserve nitong Linggo, Agosto 21.

Nauna nang nagkasa ng expedition ang grupo mammal researchers sa kabundukan ng Masungi noong Agosto 1 para imbestigahan ang nauna nang naiuulat na pagkakita ng isang hindi kumpirmadong specie ng paniki.

 Naging posible ang research expedition sa suporta ng Embassy of Canada to the Philippines sa pamamagitan ng Canada Fund for Local Initiatives at ng Buhay-ilang research team.

Sina Mariah Dichoso, project lead, at Joel Sarmiento, isang mammal expert, ang nasa likod ng pagtuklas ng Luzon-endemic Mottle-winged Flying Fox.

Ang Mottle-winged Flying Fox ay kabilang sa isang genus ng mga megabat na makikita lang sa Pilipinas at itinuturing na kabilang sa pinakamalaking paniki sa mundo.

Ito ay nailalarawan sa pamamagitan ng medium to pale na kayumangging mga pakpak na may mga puting batik, partikular na sa pinakaunang gilid ng pakpak, at sa paligid ng dulo ng pakpak.

Dahil sa kanilang hitsura na mukhang fox kaya sila ay pinangalanang flying fox. Ang mga ito ay karaniwang may kabuuang haba na humigit-kumulang 185 hanggang 240 millimeters at tumitimbang ng humigit-kumulang 250 hanggang 375 gramo.

Sinabi ni Dichoso na ang kanilang koponan ay nakakita ng isang hindi kilalang uri ng paniki na lumilipad sa paligid ng Masungi at kumakain ng mga batang bulaklak ng mga puno ng bulak at igos sa unang bahagi ng ekspedisyon noong Pebrero.

Sa ikalawang leg ng ekspedisyon ngayong buwan, dito na nila nakumpirma ang nasabing hayop kasama ang pagkatuklas ng 11 bagong record bat species, aniya. Sa kabuuan, ang koponan ay nagtala ng 21 bat species: anim ang fruit-eating bat at 15 ang insect-eating.

“It said a lot about Masungi to see this type of flying fox as it tends to forage in smaller groups and cluttered canopies to lessen their exposure to predators. There is an abundance of food resources found in Masungi which the flying foxes use a foraging site. This indicates Masungi is protected and has a healthy forest within its borders,” ani Dichoso.

Ang Mottle-winged Flying Fox ay binubuo ng tatlong kilalang species, bawat isa ay endemic sa isang partikular na isla: Luzon, Mondoro, at Dinagat. Karaniwang naninirahan ang Luzon Mottle-winged Flying Fox sa mga bulubundukin at kagubatan, ayon sa mga eksperto. RNT