Lydia de Vega kinilala ng Kamara

Lydia de Vega kinilala ng Kamara

August 16, 2022 @ 12:32 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ng anim na mambabatas ang pag-apruba sa pormal na pakikiramay ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa namayapang “Sprint Queen of Asia” Ms. Lydia De Vega-Mercado at pagkilala sa naging kontribusyon nito sa bansa lalo na sa larangan ng palakasan.

Sa pamamagitan ng House Resolution (HR) No. 231 na pangunahing inakda nina House Speaker Martin G. Romualdez, Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader and 4Ps Party-list Rep. Marcelino C. Libanan, Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos at Deputy Majority Leader and Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre ay pormal na pinag-isa ang mga inihaing House Resolution Nos. 214, 216, 217, 218, 219, at 228.

“Ms. Lydia De Vega-Mercado not only brought honor, pride and unparalleled distinction to our beloved country, but inspired so many more athletes to follow suit and follow their dreams. Ms. De Vega has virtually put our country on the map by being, at one time, the ‘fastest woman in Asia,” sinabi ni Speaker Romualdez.

Aniya, ang naiwang legacy ni de Vega ay mananatili sa puso at alaala ng milyong Pilipino bilang “the best and brightest shining stars of Philippine sports.”

Ang nabanggit na resolusyon ay ipatatanggap sa pamilya ng atleta na namayapa sa edad na 57 taong gulang noong August 10.

“Resolved by the House of Representatives, to convey its profound condolences to the family of Lydia De Vega-Mercado, sprint queen of Asia and one of the greatest Filipino athletes of all time,” banggit pa sa resolusyon.

Ito ay ipinanganak noong December 26, 1964 sa Meycauayan, Bulacan ng mga magulang na sina Mary De Vega at Francisco “Tatang” De Vega na nagsilbi nitong running coach hanggang sa ito ay makapangasawa kay Paul Mercado kung saan nagkaroon sila ng tatlong anak.

“At a young age, Lydia De Vega-Mercado showed exemplary performance in the Palarong Pambansa and played for the Far Eastern University at the University Athletic Association of the Philippines track and field competition,” banggit pa sa resolusyon.

Sa edad na 16 ay napabilang na si De Vega-Mercado sa national team at nagkapagwagi na ng medlyang ginto sa 200-meter dash at 400-meter run noong 1981 Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Rizal Memorial Stadium sa Manila.

Binanggit pa sa resolusyon na humakot din si de Vega-Mercado ng siyam pang gintong medalya, siyam na silver medals at dalawang bronze medals sa SEA Games; back-to-back gold medals noong 1982 at 1986 Asian Games; gold medals sa 100-meter at 200-meter events sa 1983 at 1987 Asian Athletics Championships; at nanatili ang personal best record na 11.28 seconds sa 100-meter dash event noong 1987 SEA Games na hindi nalagpasan sa loob ng tatlong dekada.

“A two-time Olympian, Ms. De Vega-Mercado represented the Philippines in the 100-meter and 200-meter events at the 1984 Los Angeles Olympics and 100-meter event at 1988 Seoul Olympics. In 1994, Ms. De Vega-Mercado successfully ended her track and field career by winning the gold medal in the 100-meter dash at the Manila- Fujian Games,” ayon sa resolusyon.

Si de Vega ay nagong konsehal din sa Meycauayan, Bulacan noong 2005 ngunit dahil sa nasa larangan ng palakasan ang kaniyang puso ay naging liaison officer ito ng Alliance of Coaches and Athletes of the Philippines ng Philippine Sports Commission at naging sports coach ng Philippines National Sprints, Singapore Disability Sports Council National Team, at iba pang paaralan sa Singapore. Meliza Maluntag