Lydia de Vega pumanaw na

Lydia de Vega pumanaw na

August 11, 2022 @ 8:20 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pumanaw ang Philippine sports icon na si Lydia de Vega-Mercado nitong Miyerkules matapos ang kanyang pakikipaglaban sa breast cancer.

Siya ay 57.

Inihayag ng  kanyang anak na babae, dating manlalaro ng volleyball na si Stephanie Mercado de Koenigswarter,  ang pagpanaw ni De Vega.

“Sa ngalan ng aming pamilya, buong kalungkutan na ibinalita ko ang pagkamatay ng aking ina, si Lydia De Vega ngayong gabi, Agosto 10, 2022, sa Makati Medical Center,” isinulat ni Stephanie sa kanyang social media post.

“Nakipaglaban siya sa napakagandang laban at ngayon ay payapa na.”

Si De Vega ay na-diagnose na may breast cancer noong 2018.

Ituring na pinakamalaking hamon ng kanyang buhay, ang pamilya ng sprint queen kamakailan ay humingi ng tulong para sa pagpapagamot ni De Vega.

Isa ang  Philippine Sports Commission na nagpaabot ng tulong para sa pagpapagamot ni De Vega.

Si De Vega ay tinaguriang pinakamabilis na babae sa Asya at naging dalawang beses na gold medalist sa Asian Games.

Siya rin ay isang bemedalled athlete sa iba’t ibang edisyon ng Southeast Asian Games kung saan siya nakipagkumpitensya.

Huling nakita ang athletics legend noong 2019 sa opening ceremonies ng Southeast Asian Games kung saan isa siya sa mga flag bearers kasama ng iba pang Philippine sports icons.RICO NAVARRO