Maaalat na instant noodles, aalisin ‘pag inutos ng FDA – DTI

Maaalat na instant noodles, aalisin ‘pag inutos ng FDA – DTI

October 21, 2022 @ 5:59 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Handa ang Department of Trade and Industry (DTI) na alisin ang mga instant noodles na maalat o mayroong high sodium content sa mga pamilihan kung maglalabas ng recall order ang Food and Drug Administration kaugnay dito.

Sa public briefing ng PTV nitong Biyernes, Oktubre 21, sinabi ni DTI Undersecretary for Consumer Protection Ruth Castelo na inendorso na sa FDA at Department of Health ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang hinaing ni Senador Raffy Tulfo tungkol sa labis na salt content sa mga noodles.

Sa pagdinig ng Senado sa proposed 2023 budget ng DTI, sinabi kasi ng Senador na may ilang brand ng instant noodles ang naglalaman ng mahigit 1,600 milligrams (mg) ng sodium sobra sa dapat na makonsumo lamang ng isang tao na 2,000 mg kada araw.

Ani Castelo, ang FDA ang may kapangyarihan na maglabas ng recall order laban sa mga produktong ito.

“Kapag nakapaglabas na ng recall order ang FDA, katulong nila ang DTI sa pag-enforce nito,” aniya.

“‘Pag nag-order ng recall ang FDA tatanggalin natin ‘yan sa bulletin at sisiguraduhin natin na hindi na siya nabebenta sa retail market,” dagdag pa ni Castelo.

Nagpasalamat naman siya kay Tulfo sa paglalabas ng usaping ito.

“Actually, nagpapasalamat kami kay Senator Tulfo for bringing this up in the budget hearing… medyo na-alerto din ang DTI.” RNT/JGC