Maagang pagboto ng senior, PWD, buntis isusulong ni Garcia

Maagang pagboto ng senior, PWD, buntis isusulong ni Garcia

September 1, 2022 @ 4:55 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia nitong Huwebes na isusulong niya ang pagpayag sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis na kababaihan na bumoto nang mas maaga kaysa sa pangkalahatang publiko sa susunod na halalan.

Inilabas ni Garcia ang pahayag sa isang public briefing nang tanungin tungkol sa mga reporma upang gawing accessible sa mga Pilipino ang pagboto.

Ayon kay Garcia, ito ang tamang panahon na payagan na makaboto ng mas maaga ang mga nakakatanda sa atin saka ‘yung may mga kapansanan maging ang mga buntis.

Paliwanag ni Garcia , ito ay upang hindi na sila makasama pa sa pagboto sa mismong araw ng halalan.

Maiiwasan din aniya para sa mga nakatatanda at mga PWDs na mapagod at maghintay ng mahabang pila at nararanasang hirap sa pagboto.

“Kung napapaboto nga natin ‘yung tinatawag na local absentee voting…bakit naman hindi natin kayang pabotohin ‘yung mga nakakatanda para hindi na sila aakyat ng hagdan, o kahit na hindi na sila pipila ng pagkahabahaba mapapagod. O ‘yung mga may kapansanan, naka wheelchair, ay nahihirapan,” ani Garcia.

Samantala, idiniin niya ang pangangailangang itulak at pag-aralan ang tinatawag na internet voting para sa mga Pilipino sa ibang bansa. Sinabi ni Garcia na halos 39% lamang ng mga Pilipino sa ibang bansa ang bumoto noong nakaraang halalan.

Binigyan diin pa ni Garcia na mas mainam na magbigay ng ibang alternatibo at kung papayagan ang internet voting para sa kanila ay posibleng tataas ang bilang ng mga botante lalo na overseas at kung naka-set up ang mismong mekanismo para protektahan ang kanilang mga boto.

Kinakailangan lamang aniya na i-empower , bigyan ng kapangyarigan ng Kongreso upang matiyak na ang internet voting ay hindi matampered ang internet voting.

“Ang detalye po, kami ang maglalapat pero siyempre po kinakailangan muna namin alamin… ano ang parameters… ano ang boundaries, ano ‘yung mga security measures,” sabi ng Comelec Chair.

Dagdag niya, ang Comelec ay susunod lamang sa Kongreso at sa Executive branch.

“More or less pu-push natin ‘yan. Subalit ang may final say po sa lahat ng mga detalye na ganyan ay ang ating Kongreso,” sabi pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden