Maagang pagretiro ni Jimenez, personal na kadahilanan-Garcia

Maagang pagretiro ni Jimenez, personal na kadahilanan-Garcia

September 5, 2022 @ 11:36 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Lunes na kalusugan at personal na dahilan ang nasa likod ng maagang pagreretiro ni Education and Information Department Director James Jimenez.

“Masyado pong personal ang rason ni Director James Jimenez pero siyempre kasama na rin po diyan yung kanyang kalusugan,” ani Garcia sa isang radio interview.

Sinabi pa ni Garcia na dalawang linggo nang nakararaan nang ipabatid ni Jimenez na ia-avail niya ang optional retirement pero hindi naman ito kaagad pinagbigyan ng Comelec en banc dahil nais nilang pag-usapan ang mga dahilan sa dating tagapagsalita ng Comelec.

Magiging epektibo naman ang pagreretiro ni Jimenez sa Setyembre 16, dagdag pa ng poll commissioner.

Nauna nang tinanggal si Jimenez bilang tagapagsalita ng Comelec matapos pumutok ang  kontrobersiya na humantong sa pagkansela ng huling debate sa pagkapangulo at pagka-bise presidente para sa halalan sa Mayo 2022.

Siniguro naman ni Garcia na kahit retirado na si Jimenez ay magpapatuloy pa rin ang fact-finding investigation sa pagkansela ng mga debate.

Gayunpaman, nilinaw niya na ang pagsisiyasat ay hindi “nakasentro” kay Jimenez kundi sa iba pang entity at indibidwal na sangkot sa paggawad ng kontrata at iba pang proseso para sa pagsasagawa ng mga debate. RNT