Maaliwalas na panahon, asahan ngayong araw – PAGASA

Maaliwalas na panahon, asahan ngayong araw – PAGASA

December 3, 2022 @ 7:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang magkakaroon ng maaliwalas na panahon dahil walang inaasahang bagyo na papasok ngayong Sabado, Disyembre 3 at Linggo, Disyembre 4.

Ito ang sinabi sa huling ulat ng PAGASA nitong Biyernes.

“Sa susunod na tatlong araw ay wala tayong inaasahang bagyo na maaaring pumasok o mabuo sa ating area of responsibility,” sinabi ni Raymond Ordinario, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

“Kaya wala tayong inaasahang na mga malawakang pag-ulan ngayong darating na weekend,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa PAGASA, ang mga weather system na umiiral sa bansa ay ang northeast monsoon o amihan, easterlies na mula sa Pacific Ocean at shear line.

Dahil sa Amihan ay makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands maging ang Cagayan at Isabela.

Maulap na kalangitan din na may kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa
Aurora, Quezon, Camarines Norte, Southern Palawan, Eastern Visayas at Caraga region dahil sa easterlies.

Samantala, maayos na panahon naman ang aasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa. RNT/JGC