Maaliwalas na parke para sa mga taga-Tondo, binuksan na

Maaliwalas na parke para sa mga taga-Tondo, binuksan na

July 13, 2021 @ 4:09 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – “Mag-demand kayo sa gobyerno nang mas mabuting serbisyo, nang mas mataas na kalidad ng serbisyo.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga residente sa area ng Tondo kasabay sa isinagawang inagurasyon ng bago at pinagandang Plaza Moriones Linear Park.

Ayon kay Domagoso, kailangan umanong itaas nila ang kalidad ng kanilang serbisyo upang hindi na danasin ng mga kabataan ang kanyang dinanas noong kabataan nito.

Aniya, sa darating na Lunes ay sisimulan na nila ang pagtatag ng isang bagong pampublikong paaralan na unang itatayo sa area ng Tondo.

“Abangan ninyo sa Lunes, ipakikita natin sa buong bansa, dito sa Maynila, kung paano magtatag ng isang bagong pampublikong paaralan. Gusto niyo ba na ang inyong anak na nag-aaral sa public school nan aka-airconditioned?” ani Domagoso.

Kaugnay nito, pinangunahan nina Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang “ribbon cutting” ng pinagandang Moriones Park na may haba na 225 metro.

Ang naturang parke ay nilagyan ng may 55 lamp post at karagdagang 5,000 capiz lights, water fountain, at magagandang halaman. Layon ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng “green spaces” ang nasabing lugar upang maging maaliwalas at maayos na pasyalan ang mga bata partikular na ang mga senior citizen sa area ng Tondo.

“Kase gusto ko umaliwalas man lamang ang buhay natin. Di bale tayong mahirap, pero hindi natin kailangang maging dugyot. Di bale tayong mahirap, malinis naman tayo sa ating kapaligiran, may malasakit tayo sa kapwa at nagmamahal tayo sa bayan,” ani Domagoso.  Jay Reyes