MAAYOS NA PROSESO, INTEGRIDAD SA TULAY

MAAYOS NA PROSESO, INTEGRIDAD SA TULAY

October 27, 2022 @ 5:26 PM 1 month ago


NAPABALITA kamakailan ang pagbagsak ng isang bahagi ng Carlos. P. Romulo Bridge (Wawa Bridge) sa Bayan ng Bayambang, Pangasinan kung saan nagdulot nang pagkasugat ng apat-katao, pagkasira ng dalawang truck at mga produkto.

Kinumpirma ni Ilocos regional director Ronnel Tan ng Department of Public Works and Highways na overloading ang dahilan kaya nag-collapse ang naturang tulay.

Nauna rito, bumagsak din ang isang tulay sa Barangay San Isidro, Majayjay, Laguna noong January 29, 2022 na nasundan nang pagbagsak ng ginagawang tulay sa Kulafu, Magsaysay, Marilog District, Davao City noong February 18.

Hindi rin nakaligtas ang Old Clarin Bridge sa bayan ng Loay, Bohol noong April 27, 2022 na kumitil ng buhay ng apat-katao kabilang ang isang foreigner. Makaraan lamang ang halos dalawang buwan, nag-collapse rin ang Borja Bridge sa Catigbian, Bohol noong June 16, 2022.

Sa pag-iimbestiga ng mga otoridad, overloading ang karaniwang dahilan nang ‘collapse’ ng mga nabanggit na tulay pwera lamang sa kaso ng isa sa Marilog District, Davao City.

Sa sandamukal na polisiya, proseso at inspeksiyon ng mga awtoridad para mapigilan ang overloading ng anomang behikulo, papaano kaya nakalusot ang sinasabing overloaded at pagkalaki-laking heavy truck na makabiyahe para wasakin ang mga highway, tulay at kabuhayan ng mga mamamayan?

Nasaan kaya ang pagkukulang? Sa proseso kaya ng inspeksiyon? Competence ng inspector? Calibration ng truck weighing scale? Nagtatanong lang, baka sa pamamagitan ng ating pag-uusisa, eh magkaroon ng mas malawak na imbestigasyon sa mga pangyayaring ito.

Ilan pa kayang tulay, negosyo at kabuhayan ang mawawasak kung hindi magiging sinsero at agresibo ang mga awtoridad para malaman ang puno’t dulo nang sunod-sunod na trahedya?

Kailangang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan sa pamamagitan nang pagkakaroon ng matatatag na mga tulay at mataas na integridad sa pagsasakatuparan ng proseso at polisiyang poprotekta sa lahat. Kailangang may kumilos. Ngayon na!

oOo

Happy 70th Anniversary sa aking pangalawang tahanan, ang National Press Club of the Philippines. Sa aking mga kapatid sa pangunguna ni NPC President Lydia Bueno, mga officer at staff at ka-miyembro sa NPC, mabuhay tayong lahat. Mabuhay ang malayang pamamahayag at mabuhay ang National Press Club!!!