MABAGAL NA PROSESO NG PAGKUHA NG PASAPORTE, INAAYOS NA NG DFA

MABAGAL NA PROSESO NG PAGKUHA NG PASAPORTE, INAAYOS NA NG DFA

August 19, 2022 @ 4:48 PM 2 months ago


MASUSING pinag-aaralan ng DFA o Department of Foreign Affairs ang reklamo ukol sa matinding hirap para makakuha ng online passport processing slot lalo na at nalalapit na ang “ber” months sa bansa.

 Ayon sa Consular Affairs ng kagawaran, kabilang sa kanilang gagawin ay ang paglalaan pa ng karagdagang appointment slots at pagbubukas ng mga satellite application offices sa buong bansa, pero hinihintay pa ang pagsang-ayon buhat sa Kongreso.

 Pag-amin ng DFA, nasa 1,000 lamang ang kayang ma-prosesong passport application at 1,400 authentication application lang sa main consular office nito sa ASEANA, Paranaque city. Maliban diyan ay ang nasa 300 walk-in applicants na nasa passport courtesy lane at authentication / apostille services.

 Nagugulat din ang kagawaran na bagamat binuksan na rin nito ang mga offsite passport processing offices sa mga kilalang malls sa Metro Manila at mga pangunahing lalawigan ay kapos parin sa appointment slots at mahaba parin ang pila.

 Isa sa mga nakita na ng DFA ay ang matagal na proseso ng pagtatama ng mga maling impormasyon sa datus ng aplikante. Sa kasalukuyang sistemang ginagamit kasi ay hindi ito kaagad-agad na magagawa pero pinag-aaralan na ang “on-the-spot correction” base sa mga dokumentong ihaharap ng aplikante.

 Pangako ng kagawaran, mararamdaman ang dahan-dahang pagbabago ngayong ikalawang Linggo ng September 2022. Pero medium and long-term solution parin nila ay ang pagbubukas ng mga consular offices sa maraming bahagi ng bansa.

 Umaabot sa hanggang 200,000 ang passport na nailalabas ng DFA bawat araw kabilang na ang nasa mga diplomatic posts abroad. Pero sumisipa ito ng hanggang 25,000 tuwing nalalapit ang Kapaskuhan at bakasyon. 

 Ang pakiusap ng mga nagpapa-renew ng kanilang expired na passport na huwag na sana humingin muli ng maraming papeles na parang bagong aplikante o unang beses pa lang sila magkakaroon ng passport.

 Ang nangyayari kasi imbes isang beses lang sila pupunta sa satellite office, kinakailangang nilang bumalik dahil hindi nila dala yun mga dating requirements.