Mabahong paa, paano ba maiiwasan?

Mabahong paa, paano ba maiiwasan?

June 22, 2018 @ 3:13 PM 4 years ago


 

Hindi na bago sa mga Pinoy ang pagtatakip ng ilong kapag may magtatanggal ng sapatos. Hindi kasi nawawala ang nakakainis na amoy na kala mo’y may nagbilad ng daing sa labas ng bahay.

Ang mabahong paa o bromodosis ay isang pangkaraniwang problema ng mga Pinoy dahil sa taglay nitong klima na mainit kaya’t madaling magpawis ang mga paa.

Nakakahiya ngang maituturing ang pagkakaroon nito pero kailangan natin ‘yan pag-usapan para maagapan.

Bakit ba bumabaho ang paa?

Ang mabahong paa ay kadalasang sanhi ng pagpapawis at pagsusuot ng sapatos. Ang paa at kamay kasi ay may mas maraming sweat glans kumpara sa ibang bahagi ng iyong katawan. Kapag ito ay napabayaan, ito ang magiging dahilan ng sobrang pagpapawis na siyang magiging dahilan ng pamamaho ng paa mo.

Maiiwasan naman ito sa tamang pangangalaga ng paa.

Gamot sa mabahong paa

  1. Maging malinis sa paa – hugasan ang iyong paa araw-araw gamit ang sabon. Ang paghuhugas ay nakatutulong sa pagtanggal ng dumi, pawis at mga odor causing bacteria. Siguraduhing nalilinisan ito ng maayos gaya ng paglilinis mo sa iba pang bahagi ng iyong katawan.
  2. Mag-exfoliate – ang paraan na ito ay mabisa para matanggal ang mga patay na balat sa paa na nakababawas din sa amoy ng paa. Kung may extrang pera, puwede mo rin i-try magpa-foot spa kahit isang beses sa isang buwan.
  3. Maggupit ng kuko – panatiling malinis at maiksi ang iyong mga kuko. Minsan kasi ito ang ginagawang tirahan ng mga bacteria na nakadadagdag sa masangsang na amoy ng paa.
  4. Mag-moisturize – gumamit ng moisturizer o lotion upang mapanatiling malambot ang balat ng iyong paa.
  5. Pnatilihing tuyo ang mga paa – bakit? Ang basang paa kasi ang siyang paboritong puntahan ng mga bacteria. Kaya ‘wag na ‘wag magsusuot ng basang sapatos at medyas.
  6. ‘Wag mag-ulit ng medyas – importanteng magpalit ng bagong labang medyas araw-araw at kung masyadong pawisin ang paa, mas mainam na magbaon ng extra kapag papasok ng school o ng trabaho.
  7. Gumamit ng pulbos – kung sobra-sobra na talaga ang pagpapawis ng iyong paa. Mabuting gumamit ng pulbos na idinisenyo para sa paa. Ito ay nakatutulong para panatiliing tuyo ang paa at pumapatay rin ng mga bacteria na sanhi ng mabahong amoy.

Ang ating paa ay nangangailangan rin ng atensiyon gaya ng ibinibigay natin sa ibang parte ng ating katawan. Mahirap gawin pero kailan para maiwasan ang pagkakaroon ng mabahong paa. (Remate News Team)