Mabasa, ‘di kontra sa WPP kay Bantag

Mabasa, ‘di kontra sa WPP kay Bantag

November 9, 2022 @ 2:01 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Roy Mabasa, ang kapatid ng pinatay na broadcaster na si Percy Lapid, si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, na sumagot sa alegasyon laban sa kanya at magbigay ng mas marami pang impormasyon tungkol sa kaso.

Matatandaan na si Bantag ay isa sa mga sinampahan ng kasong murder dahil ito umano ang isa sa mga mastermind sa pagpatay kay Lapid.

Ani Mabasa, maaaring makapasok si Bantag sa Witness Protection Program kung magbibigay ito ng mas marami pang pangalan na sangkot sa pagpatay sa kapatid.

“Kaya nga po hinihikayat natin siya. Siguro kung lalabas si Mr. Bantag at may ituturo baka siya’y mag qualify pa sa WPP. I do not know the procedure but kung mag qua-qualify siya at mag sasabi siya ng ibang katotohan, tatanggapin po natin ‘yan,” pahayag niya sa panayam ng ANC.

Dagdag pa ni Mabasa, ang kanilang layunin ay makapagbigay ng buong hustisya para kay Lapid.

“Alam ko merong qualification ‘yan pero kung ako ang tatanungin mo, kung mag qua-qualify siya, why not? Kasi ang hinahanap natin dito talaga mag mula ng umpisa ay magkaroon ng hustisya at katarungan para kay Ka Percy,” aniya.

Ngayong araw, Nobyembre 9 ay sinabi ng National Bureau of Investigation na si Bantag at ang jail official na si Ricardo Zulueta ay nasa loob pa rin ng bansa. RNT/JGC